Thursday, November 10, 2011

Himay, Hikbi, Hilom


“Gagawin ko ang lahat, ‘wag mo lang akong iwan.” Ako mismo naririndi na sa sarili kong boses, sa paulit-ulit kong pagsusumamo. Parang sirang plaka, sabi nga ng isang kanta.

Nanatili s’yang nakatitig sa ‘kin, gamit ang mga matang ni katiting na pagturing ay wala akong maaninag.

Sino ka? Ano’ng ginawa mo sa taong kamakailan lang ay mahal na mahal ako? Nais kong ibulalas, pasumbat. Subalit inalipin ako ng takot na baka lalo lang s’yang lumayo sa ‘kin. Muli, ang titig n’yang sinlamig ng pakiramdam sa ‘king kaibuturan.

***

“Bakit ako? Sa dinami-dami naman ng iba’ng puwede diyan.”

“Diyan. Katuwa ka talaga, Bibi. Di-yan. Buong-buo,” panunukso niya sa akin.

“Para lamang pagsinta ko sa iyo, buong-buo. Walang kahati. Walang kaparis.” May bahagyang bugnot kong tugon.

Napansin niya yata, kaya’t agad na kinuha ang aking mga kamay upang halikan. Leche, Emil, ang hina mo talagang bata ka. Alam na alam niya kung paano ako pangingitiin, kung paano papawiin ang aking dinaramdam. Bakit nga ba ako? At ako na ba talaga?

***

Nakatungo na lang ako, tuliro, ‘di alam kung ano pa’ng sasabihin para lang mabago ang isip n’ya. Sa ‘kin kasi, madali na’ng pasundin ang damdamin, basta sumang-ayon na ang isip. Pero ‘di ko sukat akalaing ganito pala kahirap.

“Siya na lamang kasi talaga e. Sa puso ko, sa isip ko. Hindi ko alam. Kung paano nangyari, kung kailan. Basta nangyari. Sana mapatawad mo pa ako, Dy.”

Dy? Lumundag ang puso ko, waring itinunghay ang ulo ko mula sa pagkakatungo.

“Lan. Dylan,” agad n’yang dugtong, may pait sa kan’yang mga labi.

‘Tang ina. “Di ba p’wedeng Dy na lang ulit? Ikaw pa rin kasi talaga, Bibi.” Para ‘kong kandilang nauupos sa ‘king kinauupuan. ‘Tang ina talaga. Ansakit.

“Please,” tanging sagot n’ya.

***

“Emilio, pasaan ka na naman n’yan ha?” Ang maurirat kong katrabaho, singgang-singga na naman.

“Saan pa, e ‘di sa mahal ko!” Sabay ngisi hanggang dulo ng walang hanggan.

“Sa Batangas? Grabe ka ha, straight from a 12-hour shift? Totohanan na ‘ata ‘yan.”

Napangiti na lamang ako. Dahil sa puso ko, alam ko’ng ito’y totoo. Totoong-totoo. Dy, I’m coming home.

***

Lumamig na ang siomai at mami sa harapan ko. Nagpalitan na ang mga kumakain sa carinderia. Sa ‘di kalayuan, tumutulak na palabas ng terminal ang bus na maghahatid sa ‘kin pauwi ng Batangas.

“Yaong bus mo, umaandar na.” May inip sa boses n’ya.

Ako naman ang napatitig na lang sa kan’ya. Hindi para magmakaawa, kundi para ipahiwatig na sinusubukan ko’ng unawain ang lahat. Pero ang hirap pa rin talaga.

Hindi n’ya makuhang salubungin ang aking tingin. Hiya? Suya? Hindi ko rin masabi. Tumayo na ‘ko at naglapag ng pambayad sa pagkaing ‘di ko man lang nagalaw.

“Ako na, ha?”

Nakuha pang manlibre ng gago. Kunsabagay.

***

“Salamat, Bibi, ha? Pa’no na lang ako kung wala ka?” Sabay hilig niya sa aking balikat. Nasa bus kami, paluwas na ulit ako. Hatid lamang niya ako hanggang sa kabilang bus stop.

“Inang, may nagda-drama. Ano ka ba? E siyempre naman, ganito talaga.” Mahal na mahal ko siya. Napatitig na lamang ako sa kaniya. Bakas ang pagal sa mukha at tinig, subalit parang hindi alintana. Dahil daw kasama na niya ako.

“Mahal na mahal kita. Mahal na mah..” Ang araw ng aking daigdig, tuluyan nang inilubog ng maghapong pagyao't-ito. Ayan, alintana na.

“Mahal din kita, Dy. Mahal na mahal.” Sabay hilig ko sa ulo niyang nakahilig sa akin. At sa aking pagpikit, dama ko ang pagguhit ng isang mainit at matamis na ngiti sa aking mga labi. Ako nga. Ako na talaga.


Photo credit

No comments:

Post a Comment