Tuesday, October 2, 2012

Intramuros

Bakit kailangan pang subukan ang isang bagay na alam na alam mo naman ang kahahantungan? Hindi ba puwedeng matuto ka na lang sa mga kwentong paulit-ulit mo nang narinig? O kaya nama’y sa mga sarili mong kwentong may pagkakatulad din naman ng takbo sa kasalukuyan. Kailangan ba talagang madapa ka na naman para lang matutunan ang isang bagay na alam mo na rin naman talaga sa kaibuturan mo? Katangahan ba talagang matatawag ito? O sadyang ang puso ay walang pakialam? Walang patawad. Paasahin ka, araw-gabi, dahil lang nginitian ka nya nang pagkatamis habang sambit ang pangalan mo. Dahil lang hindi mo makuhang limutin ang init ng kanyang yakap, ang tamis ng kanyang halik. Dahil isang gabi, ipinaramdam nya sa’yo kung gaano ka kahalaga sa kanya. Subalit sapat na ba talagang dahilan ang lahat nang ‘yon? Upang sa susunod na mga araw ay mangulila ka sa tunog ng kanyang boses? At ang mga gabi'y magmistulang araw na rin, dahil sa tuwing pagpikit mo ay ang liwanag ng kanyang titig ang bumubungad sa'yong gunita? Sapat na bang umasa ka sa isang bagay na magkatotoo man ay magdudulot din ng di masukat na sakit sa iba pang mga tao, na parang kailan lang ay sila ring nagpalundag sa inyong nahihimlay na mga puso? Sapat na bang isantabi, kalimutan ang lahat para lang malaman ang sagot sa’yong mga katanungan? Sapat na bang subukan mong punan ang pagkukulang na ni sa hinagap ay di mo inakalang naroroon? Sapat na ba ang minsan para sa kailanman?

No comments:

Post a Comment